Ang Responsibilidad ng Guro
Lingid sa kaalaman ng iba, hindi basta-basta ang propesyon ng pagtuturo. Hindi ito nalilimita lamang sa simpleng pagsasalita sa harap ng klase. Habang nagpapaliwanag ang mga guro ng mga konsepto na tinuturo, inaalala rin nila ang kondisyon ng mga bata at kung naiintindihan pa ba ang lesson. Masinsinan din nilang plinaplano kung ano ang pinakaakmang paraan ng pagtuturo para sa mga bata.
Malaki ang responsibilidad ng mga guro sa paghubog at paghanda ng bawat bata para sa mga hamon ng buhay. Importanteng matandaan na hindi lamang sa mga leksyon ng bawat asignatura nakakulong ang pag-aaral at pagtuturo. Nararapat ding pagtuunan ng pansin ang pisikal at emosyonal na aspeto sa buhay ng mga bata. Ginagampanan ng mga guro ang papel ng karamay na kaibigan at magulang na siyang magiging gabay ng mga estudyante sa proseso ng pagtuklas ng tunay na mundo.
Malaki ang responsibilidad ng mga guro sa paghubog at paghanda ng bawat bata para sa mga hamon ng buhay
Ngayong may pandemya na dulot ng COVID-19, mas nadagdagan pa ang isipin ng mga guro. Napilitang makulong ang pagtuturo sa paggamit ng mga kompyuter at cellphone. Isa itong panibagong hamon para sa mga guro, na gumawa ng personal na koneksyon sa birtwal na pamamaraan. Mas mahirap makisalamuha at makilala ang mga estudyante sa ganitong sitwasyon. Maliban sa paghagilap at pag-aral gamitin ng mga digital na kagamitan, kinukonsidera rin nila ang kalagayan ng bawat bata dagdag pa sa pag-aalala para sa sarili at para sa kanilang mga pamilya.
Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy ang pagsisikap ng mga guro upang maayos na maibahagi ang kanilang kaalaman at kakayahan sa mga bata. Lahat tayo ay magkakaramay sa pagharap sa krisis na dulot ng pandemyang ito. Nawa’y patuloy nating silang suportahan at pahalagahan.
🌱 Pagninilay ni: Teacher Lyka